PETSA 3 Hulyo 2018 nang ireklamo ng Solaire Resort Casino sa pulisya ng Parañaque City ang isang Taguig City Councilor sa katauhan ni Councilor Richard Paul Jordan, dahil sa kasong pagnanakaw ng ilang gamit sa loob ng isang kuwarto na inokupa nito at nang magresponde ang mga pulis, nakuhaan ang konsehal ng 31 tabletas ng Ecstasy.
Petsa 7 Hulyo, tinawagan ng inyong lingkod si Parañaque police chief, Supt. Victor Rosete sa telepono, dahil hinahanap ng inyong lingkod ang nahuling konsehal ng Taguig. Sagot ni hepe: “Tsek ko ho i-verify ko lang kung may huli.”
‘Yan ang malinaw na sagot ng hepe sa inyong lingkod nang tawagan ko siya noong July 7, alas-onse ng umaga gayong nahuli ang konsehal noon pang July 3, 7:30 ng gabi!
***
Ang aking tanong, bakit hindi agad iprenesinta ni hepe sa media at kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez? Bakit nang bulabugin na ng media ang opisina ni hepe ay hindi sumasagot sa mga tawag, ayon kay Armida Rico ng Abante?
Isa lang ang ibig sabihin, naturete si Supt. Rosete, dahil paano makikita ang nahuling Taguig councilor, ‘e ayon sa ating source naroroon sa kanyang opis at VIP treatment!
Ang tanong, bakit ang tagal bago ini-inquest? kaya ba natuluyan sampahan ng kaso ay dahil pinigil ng Solaire Resort Casino at nawala ang kasong pagnanakaw kundi possession ng illegal drugs ang isinampang kaso laban sa konsehal.
***
Malinaw na nagsinungaling si hepe sa inyong lingkod! Itinago ang inarestong konsehal! Maging si Mayor Olivarez, July 7 na ng hapon nakatanggap ng spot report sa nahuling si Taguig councilor Jordan! Ano sa palagay ninyo ang dahilan, bakit naantala ang pagsasampa ng kaso laban sa konsehal ng Taguig?
Kayo rin ang mag-isip, bakit nawala ang dapat ay kasong pagnanakaw sa Solaire Casino Resort? Ano ang dahilan? Esep-esep mga ‘igan!
***
Maraming salamat sa aking informer from Taguig na nagpadala sa akin ng mensahe noong July 4 ng umaga. Kung hindi sa nasabing informer baka walang nakakulong na konsehal ng Taguig!
DAHILAN KUNG BAKIT
NAPIPILITANG IKANSELA
ANG BOOKING SA GRAB
Isa sa malaking problema ng mga pasahero ng Grab ay kawalan ng tamang oras ng kanilang pagdating. Kadalasan kinakansele na ang booking. Isa ito ngayon sa problema ng Grab. Kapag nag-book ang pasahero aapir sa account ng Grab. Halimbawa ay seven minutes darating na ang drayber ng Grab pero natapos na ang pitong minuto wala pa ang drayber ng Grab. Ang gagawin ng pasahero tatawagan ang driver ‘yun pala ay malayo pa. Dahil maiinip ikakansel na lang ang booking!
***
Naging karanasan ng inyong lingkod ang mga ganitong pangyayari kung minsan ay umaabot pa ng trenta minutos ang paghihintay! Ito ay dahil kahit malayo pa ang driver at kung sino ang malapit sa area ng pasahero ‘yun ang kanilang titimbrehan. Ito namang si driver accept agad kahit alam niyang malayo sa area ng pasahero bukod sa trapik na lugar na daraanan niya. Sa buwisit ng pasahero na naiinip ikakansela ang booking.
Hindi advisable ang Grab car kung nagmamadali ang isang pasahero.
***
Marami rin sa drayber ng Grab car ay nagdedepende sa Waze na nakapagtuturo ng daan sa kanila na kadalasan ang nangyayari ay naliligaw dahil karamihan sa drayber ay walang alam sa lugar! Lalo na iyong mga drayber na marunong nga magmaneho pero walang alam sa lugar sa Kalakhang Maynila dahil lang sa kagustuhang magkaroon ng hanapbuhay!
***
Mas mataas nga ang pasahe sa Grab car kaysa taksi. Secured ka sa Grab car sabi nila pero kung hindi mo alam ang lugar na iyong pupuntahan sa waze ng driver sa kanyang cellphone makakarating ka sa iyong paroroonan!
‘Yun nga lang ‘pag nalobat ang cellphone ng drayber dalawa kayong maliligaw!
ISUMBONG MO
KAY DRAGON LADY
ni Amor Virata