MINAMADALI ang mga pagbabago sa Saligang Batas para maisakatuparan ang pangako ng Federalismo na ipagyayabang ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikatlong State of the Nation Address sa darating na 23 Hulyo 2018.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, may komedya nang aprobahan ang krokis ng “Federal Constitution” sa kadahilanang magkalaroon ng konsultasyon kapag naisumite ito kay Duterte sa 9 Hulyo.
Inusisa ni Lagman ang Consultative Committee na pinamumunuan ng dating mahistrado ng Supreme Court na si Reynato Puno kung bakit nagtakda ng regional consultation sa Legazpi City sa 6 Hulyo, dalawang araw bago isumite ang nasabing dokumento sa Malacañang.
Wala aniya itong sapat na konsultasyon at tila inilagay ng komite ang karitela sa unahan ng kabayo.
Pinuna ni Lagman ang direktiba ng Department of Interior and Local Government na nag-uutos sa lahat ng mayor, vice mayor at mga konsehal na dumalo sa gaganaping konsultasyon sa Legazpi.
Inutusan din umano ang mga mayor na magpaskil ng karatula na nagsasaad ng suporta nila sa Federalismo.
Sinabi ni Lagman, hanggang ngayon wala pang kopya ng “Federal Constitution” ang mga lokal na opisyal habang sila ay inaatasan na dumalo at suportahan ang isang “Federalism Convention.”
Isiniwalat din ni Lagman, sa 17 rehiyon, tatlo lamang ang may kakayahan na maging federal states – Metro Manila, Calabarzon at Region 3. Ang iba pa, aniya, ay lugmok sa kahirapan.
Hindi rin, aniya, alam ng karamihan ng Filipino ang panukalang baguhin ang porma ng gobyerno mula presidential tungo sa federalismo.
ni Gerry Baldo