SINISI ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Party-list Rep. Jericho Nograles ang mga player ng Gilas at Australia sa ‘basketbrawl’ na nangyari sa FIBA World Cup Qualifier nitong Lunes.
Ayon kay Nograles parehong “unsportsmanlike” ang naging asal ng dalawang koponan pero ang mga “racist” na komentaryo ng ilan sa mga manlalaro ng Australia ang lalong nagpainit sa mga taga-Gilas at mga supporter nito.
“Hindi kanais-nais ang nangyari sa isang international event kagaya nito,” ani Nograles.
Nagpahayag nang pangamba si Nograles sa magiging epekto nito sa pangarap ng Filipinas na mag- host sa 2023 World Cup at ang pagkawala ng “automatic slot” nito sa magaganap na laban bilang “tournament host.”
Puwede rin, aniya, pagbawalan ang Filipinas na sumali sa mga darating na laro sa FIBA.
Sa kabila nito, ikinalungkot ni Nograles ang umano’y “racist” na komentaryo ng isang manlalaro ng Australia pagkatapos ng basketball.
Partikular na tinukoy ni Nograles si Australian Boomer Chris Goulding na tinawag ang mga Filipino na mga ungoy.
“Philippino Monkeys!!! Trash team. Trash crowd. Trash federation. Trash country. #Disgraceful,” ulit ni Nograles sa sinabi ni Goulding.
Aniya si Goulding ay dapat patawan ng karampatang parusa ng FIBA sa mga komentaryo niya.
ni Gerry Baldo