MULING umatake ang Ipit Gang sa loob ng isang kilalang mall sa lungsod ng Makati at nakuha ang cellphone ng GMA-7 Unang Hirit host na si Lyn Ching-Pascual at nabiktima ang isa pang government official.
Sinabi ni Makati City Police chief, S/Supt. Rogelio Simon, nagpunta sa kanilang tanggapan si Lyn Ching-Pascual, 44, ng Brgy. Pansol, Quezon City, para i-report ang nangyari sa kanya sa loob ng Zara Store Powel Plant sa Rockwell Center sa Brgy. Poblacion ng lungsod nitong Sabado, 4:14 ng hapon.
Ikinuwento ni Ching kay Simon, namimili siya sa boutique sa Rockwell nang ginitgit at inipit siya ng apat babae sa isang sulok sa kalagitnaan ng sale.
Nakita sa close circuit television (CCTV) nang busisiin at kinuha ng babae mula sa bag ang cellphone ni Ching at ipinasa sa isang kasama, na siyang lumabas sa boutique.
Akmang kukunin ng babae ang wallet ni Ching, ngunit napansin siya kaya’t lumipat ng ibang rack si Ching ngunit sinundan pa rin siya ng suspek.
Nang akmang kukunin ng babae ang wallet, napatingin si Ching kaya umiwas ang isa sa mga suspek. Nang matuklasan ni Ching na nawawala ang kanyang cellphone ay agad siyang nagtungo sa himpilan ng pulisya para magpa-blotter at ipasilip ang nakalagay na CCTV camera para sa pagkakilanlan ng mga suspek.
Pangalawa nang biktima si Ching ng Ipit Gang sa boutique dahil nakuhaan din ang isang government undersecretary ng dalawang cellphone, mahigit 15 minuto bago ang TV host.
Nalaman ng undersecretary ang nangyari nang nagkasabay ang kanyang misis at TV host sa pagsusuri sa CCTV footage ng boutique.
(JAJA GARCIA)