NANAWAGAN ang isang kongresista sa Philippine National Police na paigtingin ang paghahanap ng ebidensiya sa pagpatay kay Tanauan Mayor Antonio Halili at huwag umasa sa mga testimonya ng mga nagpakilalang saksi.
Ayon kay Rep. Ciriaco Calalang ng Kabayan partylist, dapat magkaroon “solid physical” at “forensic evidence” ang mga pulis laban sa mga suspek.
Ani Calalang, miyembro ng House Committee on Public Order & Safety, kailangan sigurado ang ebidensiya at pangangalaga bago magsampa ng kaso.
Dapat tama ang kasong isasampa upang hindi ito mapawalang-saysay sa pamamagitan ng “technicalities” at “sloppy police work.”
Sinabi rin ni Calalang na tigilan ng pulis ang pagbibigay ng “press briefings” na humaharap ang mga opisyal nito tungkol sa mga kasong wala naman silang direktang pagkakaalam.
Ani Calalang, mas mabuti pang iharap sa media ang mismong mga imbestigador.
Kaugnay nito, nanawagan ang Human Rights Watch (HRW) na magkaroon ng tunay na imbestigasyon sa pagpatay kay Halili.
Hindi, umano sila sangayon sa mga gawain ni Halili kagaya ng pagparada sa kalye ng “drug suspects” pero hindi rin daw sila sangayon sa pagpatay sa kanya. Nanawagan si Carlos Conde ng HRW na wakasan na ang “culture of impunity” sa bansa na libo-libo na ang namatay sa tokhang, mga tribo, mga manunulat at mga politiko.
(Gerry Baldo)