NAKAUGAT sa kulturang Pinoy ang jueteng, ani Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe, kaya mahirap tanggalin.
Ayon kay Batocabe, ang jueteng ay masamang realidad sa buhay ng mga Filipino na mahirap tanggalin.
“Ang masamang realidad, lahat mayroong takits. ‘Yong pulis, meron. ‘Yong mga politiko na namamahala sa mga lugar, mayron din na share. So paano pa natin gagawin ito e talamak talaga. Lahat meron,” ani Batocabe.
Sinabi ni Batocabe, kung meron man nag-iingay laban sa jueteng, sila ay ‘nabibigyan din.’
Idinidepensa ni Batocabe si Pangulong Rodrigo Duterte, na nagsabi, sa isang talumpati sa Bohol, na mahirap tanggalin ang jueteng kasi baka magamit ng mga drug lord ang network nito at may mga magugutom.
“Now if there’s jueteng, at least money goes around. Some people will get hungry, others will be able to eat, there’s commercial activity,” ani Duterte sa talumpati.
“Ang nangyari, merong web talaga ng corruption at nagiging parte ng kultura na parang ordinaryo na,” ani Batocabe.
Ayon sa kongresista, hindi na kailangan i-legalize ang jueteng kasi may STL (small town lottery) na katumbas ng jueteng.
Aniya, “Siguro hindi lang na-brief ang pangulo tungkol sa STL. Siguro ‘pag na-brief po siya ng mga taga-PCSO (Philippine Charity Sweepstakes Office), alam niya na may programa siya para mabawasan o maalis talaga ‘yong jueteng.”
Nagpatawag si Duterte ng miting sa jueteng Lords at ang sabi ni Batocabe gagamitin nila sa Kamara ang nasabing miting para palakasin ang legal na STL.
ni Gerry Baldo