INUSISA ng Commission on Audit (CoA) ang dating Kalihim ng turismo na si Wanda Teo kaugnay sa pagkuha niya ng mga paninda sa Duty Free Philippines na nagkakahalaga ng US$43,091.13 o P2,174,150.
Kabilang umano sa mga kinuha ni Teo ay mga branded bags, cosmetics, mga de-lata at tsokolate. Hindi umano ito nasingil kay Teo batay sa 2017 CoA audit report para sa Duty Free Philippines Corporation (DFPC).
Inilinaw ng COA na ang mga paninda ay kinuha ni Teo sa pamamagitan ng memorandum na inilabas ng kanyang opisina at ng opisina ni dating Undersecretary at for Administration and Special Concerns Rolando Cañizal.
Sinabi ng CoA report na ang dalawang opisyal ay nag-utos sa DFPC na maglabas ng “gate pass slips” para mailabas ang mga paninda.
Sinabi rin ng COA na sa kabuuang P2.5 milyon, P346,000 halaga ng ”merchandise” ay hindi naka- record sa “Duty Free book of accounts.”
Ang DFPC ay isang ahensiya sa ilalim ng DOT.
Si Teo ay nag-resign pagkatapos paimbestigahan ng Ombudsman kaugnay sa P60-milyong advertisements na ibinayad ng DOT sa isang television program ng kapatid niyang si Ben Tulfo sa PTV4.
ni Gerry Baldo