HINDI kayang awatin ng ‘committee’ ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Sa tingin ng mga kongresista sa Kamara walang patutunguhan ang committee na binuo ni Digong para awatin ang sama ng loob ng simbahan dahil sa sinabi niyang ‘stupid’ ang panginoon.
Ayon kay Rep. Teddy Baguilat ng Ifugao, ‘smokescreen’ lang daw ito para mailito ang publiko sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang kapalpakan ng operasyon laban sa tambay at ang patuloy na patayan.
“Sa tingin ko, walang patutunguhan ang committee kasi masyadong fundamental ang pagkakaiba ng paniniwala,” ani Baguilat.
“Ano ang pag-uusapan nila ng religious leaders? Adam and Eve and paradise?” tanong ni Baguilat.
Sangayon si Magdalo Rep. Gary Alejano sa pagtingin ni Baguilat.
Puwede umanong mag-apologize deretso si Pang Duterte sa publiko dahil sa kanyang iresponsable at “balsphemous remarks.”
Natakot aniya si Duterte sa 90 porsiyento ng mga Filipino na naniniwala sa Diyos.
Sa panig ng administrasyon, sinabi ni Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe na ito ay isang “positive step” para maiwasan ang hindi pagkakaunawaan ng gobyerno at ng simbahan.
Naniniwala si Batocabe na ang mga gusot sa kasaysayan ng mundo ay may kaugnayan sa relihiyon.
Sa mga militanteng kongresista, kasama si ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, malinaw na damage control ito dahil lumalaganap ang outrage or galit ng publiko sa pambabastos sa Diyos na pinaniniwalaan ng maraming kababayan natin.
“Magdududa rin tayo sa sinseridad niyan dahil tuloy pa rin ang pagbira,” ani Tinio.
ni Gerry Baldo