HINDI papayag ang mga kongresista na mawalan ng saysay ang buhay ni Genesis “Tisoy” Argoncillo dahil sa isang pulis operation laban sa mga istambay na itinuring na ilegal ng kasalukuyang awtoridad.
Ayon sa mga kongresista dapat malaman ng madla ang tunay na kalagayan ng pagkamatay ni Tisoy.
Sa ulat, sinabing si Tisoy ay nagpunta sa tindahan para magpa-load sa kanyang cellphone nang hulihin ng mga pulis sa Quezon City.
Kasama sa mga naghain ng resolusyon ang Makabayan bloc na sina Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, Gabriela Reps. Emmi de Jesus at Arlene Brosas, Alliance of Concerned Teachers (ACT) Reps. Antonio Tiñio at France Castro, Kabataan Rep. Sarah Elago at Anakpawis Rep. Ariel Casilao.
“Kailangan ng hustisya para sa walang saysay na pagkamatay ni Genesis Argoncillo matapos arestohin at ma-detain sa kamay ng pulis ng Quezon City alinsunod sa anti-tambay campaign ni Pangulong [Rodrigo] Duterte,” ani Tiñio.
Ayon kay Quezon City Rep. Jose Christopher “Kit” Belmonte, ang kinatawan sa distrito ni Tisoy sa Novaliches, dapat maimbestigahan ang pag-aresto sa mga tambay.
“Nakikiramay ako sa pamilya at mga mahal sa buhay ni Tisoy Argoncillo. Bilang kanyang kinatawan, personal ang aking pagluluksa sa kanyang walang-saysay na pagkamatay,” ani Belmonte.
Dinampot si Argoncillo dahil umano sa “alarm and scandal” sa paligid niya sa Novaliches.
Si Tisoy, edad 25 anyos, ay namatay sa loob ng selda sa Police Station 4, sa Novaliches.
Kinakitaan ng mga tama ng bala sa leeg, ulo, dibdib at mga braso.
ni Gerry Baldo