ANG kumukulong balita sa pagpapatalsik kay House Speaker Pantaleon Alvarez ay magdedepende kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ayon sa isang mataas na Kongresista sa oposisyon.
Ayon kay Quezon City Rep. Bolet Banal, sa kabila ng pagkadesmaya ng ibang kongresista kay Alvarez, si Duterte pa rin ang may huling pasya sa isyu.
“Nothing will happen without the president’s go signal,” ani Banal.
Para kay Ifugao Rep. Teddy Baguilat, mukhang nagrerebelde na ang mga grupong may galit kay Alvarez.
“Nagrerebelde na yata ang PDP LABAN Pimentel group. Coupled with the bloc of (Minority Leader) Danny Suarez who have been grumbling plus those who were punished in previous votes, medyo may prupong mayroong gripes,” paliwanag ni Baguilat.
Gayonman, sinabi ni Baguilat na ‘walang numero’ ang mga grupo para paalisin si Alvarez.
“Yes walang numbers to oust,” ani Baguilat, ang lider ng Magnificent 7, isang paksiyon ng minorya sa Kamara.
“Basta kami sa Mag 7 and even sa Liberal, mga curious but neutral onlookers,” dagdag ni Baguilat.
Ang tsismis na kumakalat sa Kamara, ang nasa likod daw ng pagpapatalsik kay Alvarez ay sina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at si Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo Jr., na nakaaway ni Alvarez dahil sa babae.
Sa panig ng administrasyon, sinabi ni Parañaque Rep. Gus Tambunting, hindi matitinag ang pamumuno ni Alvarez.
“The majority in the House of Representatives remains fully behind Speaker Alvarez. PDP Laban will continue fighting for the Filipino people. There is no basis behind these rumors,” ani Tambunting.
Sinabi ng tagapagsalita ni Duterte, ang pamumuno ng Kamara ay magdedepende sa mga myembro nito.
Si Pangulong Duterte umano ay nakapagtatrabaho kahit kanino.
(GERRY BALDO)