BINIGYAN katuwiran ng Palasyo ang pang-aalispusta at pagmumura ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pari at sa Simbahang Katolika dahil bunga raw ito ng naranasang trauma ng Punong Ehekutibo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, kaya galit si Pangulong Duterte sa Simbahang Katolika ay bunsod nang naranasang pangmomolestiya ng pari noong siya’y estudyante pa.
“Now lang siguro pupuwede po nating bigyan ng atensiyon ngayon ay kung bakit ganoon ang galit ng Pangulo sa Simbahang Katolika. E ito nga po iyong karanasan niya, noong bata raw siya ay namolestiya siya. Panahon na po siguro na i-address natin itong isyu na pagmomolestiya ng mga batang lalaki sa Simbahang Katolika, sabi ni Roque.
Dahil sa sinapit aniya ng Pangulo ay nanawagan si Roque sa Simbahan na aminin ang mga insidente ng pangmomolestiya sa mga batang lalaki, paimbestigahan at gumawa ng mga hakbang upang maiwasan ito.
Personal aniyang paninindigan ng Pangulo ang pagkuwestiyon sa bersiyon ng Biblia sa pinagmulan ng tao at hindi kailangan bigyan ng interpretasyon.
May kalayaan aniya sa malayang pananampalataya ang bawat nilalang at kasama rito ang huwag magkaroon ng pananampalataya.
“Iyong sinabi ng Pangulo tungkol sa Panginoon. Ang paninindigan po natin diyan, iyan po ay personal na paniniwala ng ating Pangulo. Ang kalayaan po ng malayang pananampalataya, kasama po riyan iyong kalayaan na huwag magkaroon ng kahit anong pananampalataya. Personal po iyan kay Presidente, hindi kinakailangang bigyan ng interpretasyon. Iyan ang paniniwala niya full stop,” ani Roque.
Kinailangan aniya na ang isang biktima e maging Presidente para maisapubliko, mapag-usapan at magkaroon ng solusyon ang isyu.
ni ROSE NOVENARIO