WALANG plano si Pangulong Rodrigo Duterte na tuldukan ang kontrol ng jueteng lords sa small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Davao City kamakalawa, hinahayaan lang niya na sakyan ng jueteng lords, maging ang lotto, dahil ito na ang sistemang kanyang dinatnan.
“If I cannot replace it — itong, with a strong — itong lotto, hayaan ko muna kasi nandiyan na ‘yan e. Ang mga jueteng lords are lording it over even sa lotto. Sinasakyan nila. So hindi ko man mahuli lahat,” ani Duterte.
Anang Pangulo, kapag hinuli ang lahat ng STL at jueteng operations ng jueteng lords na walang ipapalit na economic activity marami ang mawawalan ng trabaho at magugutom.
“Ngayon kung wala akong pampalit sa jueteng, ano ang gawin ko? Madali lang man ‘yan. ‘Pag may isang sugal na nambara, sabihin ko, ‘Relyebo ka, umalis ka riyan. Ikaw…’ Hulihin man nila ‘yan lahat. Then what is the activity — economic activity? Wala. E kung may jueteng, may pasan, At least umiikot ‘yung pera. ‘Yung iba gutom pero ‘yung iba naman kumakain and there’s a commercial activity there. If I cannot replace it — itong, with a strong — itong lotto, hayaan ko muna kasi nandiyan na ‘yan e,” dagdag niya.
Pinag-aaralan aniya ng kanyang gabinete ang pagkakaroon ng bagong sistema na maggagarantiya ng kita sa gobyerno at hindi puro sa bulsa lang ng jueteng lords ang ganansiya.
“I’m just maybe brainstorming with everybody in the Cabinet of how to come up with a system that would guarantee income to the government but allow ‘yung ano lang. I do not want — mahirap ‘yang puro sugal lang sa isip. It’s a temptation,” anang Pangulo.
Noong 15 Setyembre 2016, isiniwalat ni Pangulong Duterte na mahigit kalahating bilyong piso ang nawawala sa PCSO at napupunta sa bulsa ng sindikato dahil sa korupsiyon.
Sa kanyang talumpati sa pagbisita sa Camp Tecson sa San Miguel, Bulacan, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakipagsabwatan ang nakaraang administrasyon ng PCSO sa gambling lords para maging prente ng jueteng ang STL at lotteng naman sa lotto.
Dahil sa nasabing sabwatan ay nalulugi nang P20-M kada araw o P600-M bawat buwan ang PCSO.
Napaulat na nakakopo ng franchise sa STL, lotto, KENO noong administrasyong Aquino ay mga gambling lord.
Giit ng Pangulo, kaya niya itinalaga si ret. Marine general Alex Balutan bilang bagong general manager ng PCSO ay dahil isa siyang ‘berdugo’ na inaasahan niyang bubuwag sa sindikato sa nasabing ahensiya.
Paliwanag niya, kaya niya binawi ang unang appointment ni Balutan bilang hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) ay dahil kaya na ng Special Action Force (SAF) ang trabaho sa New Bilibid Prison (NBP).
(ROSE NOVENARIO)