NATIYEMPOHAN ng mga alagad ng batas habang binabasag ang salamin ng isang nakaparadang kotse ang isang miyembro ng Basag Kotse gang sa Makati City, kahapon ng madaling-araw.
Hindi nakapalag nang arestohin ng mga awtoridad ang suspek na si Robert Adriano, 26, residente sa Brgy. 254, Zone 23 sa Maynila.
Ayon kay Makati City Police chief, S/Supt. Rogelio Simon, dakong 1:15 am nang mangyari ang insidente sa bahagi ng Dela Rosa St., sa tabi ng Kings Court Building sa Brgy. Pio Del Pilar, ng lungsod.
Naaktohan ng mga awtoridad ang suspek habang binabasag ang salamin ng pulang Toyota Innova na nakaparada sa nasabing lugar.
Sa puntong ito, agad inaresto ang suspek na hindi nakapalag habang hawak ang isang screw driver na ginamit sa pagbasag ng salamin.
Bukod dito, nakompiska rin sa suspek ang isang balisong, isang plastic sachet ng hinihinalang shabu, sling bag at wallet. Ang suspek ay nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165, illegal possession of deadly weapon at robbery.
(JAJA GARCIA)