NAGING madamdamin ang pagdating ng labi ng isang overseas Filipino worker (OFW) na walang awang pinatay ng isang Slovakian national nang ipagtanggol ang dalawang Filipina na binastos habang namamasyal sa naturang bansa.
Lumapag sa Aegis hangar NAIA Complex ang chartered flight pasado 10:00 am lulan ang labi ni Henry John Acorda, 36, residente sa Central Signal Village, Taguig City, na nagtratrabaho bilang financial analyst sa Slovakia.
Sinalubong si Acorda ng kanyang pamilya, kamag-anak at mga kaibigan, gayondin ni DFA Secretary Allan Peter Cayetano at ang misis niyang si Taguig City Mayor Lani Cayetano.
Ilang MIAA officials sa pamumuno ni General Manager Ed Monreal, ang sumalubong din at nakiramay sa pamilya habang hinihintay ang pagdating ng labi ni Acorda.
Noong 26 Mayo, walang awang ginulpi ng 28-anyos Slovakian national ang Filipino worker nang ipagtanggol ang dalawang Filipina na binastos ng Slovakian habang namamasyal sa kalsada.
Tinuligsa ni Slovakia Prime Minister Peter Pellegrini ang insidente at nangakong makakamtan ni Acorda ang hustisya kaugnay sa naging kamatayan niya.
Dinala sa Arlington Memorial Chapel sa Quezon City ang labi ni Acorda at dadalhin sa kanyang huling hantungan sa Heritage Park, Taguig City. (JAJA GARCIA)