BUNSOD nang kasikipan at sobrang init sa loob ng selda ng Quezon City Police District Novaliches Police Station 4, dalawang preso ang binawian ng buhay, iniulat ng pulisya kahapon.
Sa ulat ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), unang namatay si Alex Canono Andaman, 41, hair stylist, at residente sa Maxima St., Brgy. Gulod, Novaliches.
Si Andaman ay nakulong dahil kasong paglabag sa PD1602 (Anti-Illegal Gambling). Siya ay namatay dakong 8:50 am nitong 18 Hunyo habang ginagamot sa Novaliches District Hospital.
Nakitaan ng mga sakit sa balat si Andaman na hinihinalang naging dahilan ng kanyang pagkamatay.
Habang binawian ng buhay ang isa pang preso na si Genesis Careboy Agoncillo, 22, kahapon ng madaling-araw.
Si Agoncillo, 22, hel-per, at residente ng Area B, Sitio Cabuyao, Brgy. Gulod Novaliches, Quezon City, ay nakulong sa kasong alarm and scandal noong 15 Hunyo 2018.
Sa imbestigasyon, dakong 5:00 am, napansin ng presong si Marlon Gantala na nahihirapang huminga si Agoncillo.
Agad ipinagbigay-alam ni Gantala kay PO3 Dennis Saño, duty jail officer, ang insidente kaya isinugod sa Novaliches District Hospital si Agoncillo ngunit idineklarang dead-on-arrival ng attending physician na si Dr. Jethiel Fabon. (ALMAR DANGUILAN)