LIMANG pelikulang Filipino ang makikipagkompitensiya at ipalalabas sa 21st Shanghai International Film Festival (SIFF) sa China na nagsimula noong Hunyo 16.
Ang SIFF ay isa sa pinakamalaking festivals sa Asya na itinanghal na rin ang mga Filipino movies at noong 2017 ay ibinigay ang pinakamataas na award na Golden Goblet sa pelikulang Pauwi Na na idinirehe ni Paolo Villaluna.
Sa taong ito, dalawang pelikula naman ang makikipagkompitensiya sa Asian New Talent, ang Respeto atNervous Translation.
Ang mga pelikulang nabanggit ay nakakuha ng nominasyon sa mga sumusunod na kategorya.
Best Cinematographer—Dennese Victoria, Jippy Pascua ng Nervous Translation; Best Scriptwriter—Shireen Seno, Nervous Translation; Best Director—Treb Monteras II, Respeto; Best Actor—Abra, Respeto; at Best Actress—Jana Agoncillo, Nervous Translation.
Sa Panorama Section, ang Smaller and Smaller Circles ni Raya Martin at I’m Drunk, I Love You ni JP Habac ang ipalalabas. Si Martin ay miyembro rin ng Jury para sa Asian New Talent ngayong taon.
Kabilang naman sa itatampok na pelikula ang Neomanila ni Mikhail Red sa The Belt and Road Film Week.
“It’s always thrilling to learn that these films continue to go around the world as proudly showcased in international film festivals. We wish our Filipino films the best of luck in SIFF,” pahayag ni FDCP Chairperson at CEO na si Liza Diño.
Si Chairperson Diño mismo ay makikilahok sa SIFF bilang speaker sa High Level Forum on the Cultural and Economic Importance of Film and the Role of Copyright na hosted ng World IP Organization mula Hunyo 19-20.
Samantala, ang QCinema Festival Director na si Ed Lejano naman ay magiging bahagi ng The Belt and Road Summit para talakayin ang pagpapabuti ng kooperasyon sa pamamagitan ng festival programming.
Ang 21st Shanghai International Film Festival sa China ay tatakbo hanggang Hunyo 25, 2018.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan