INAASAHAN ng Palasyo na maisusumite ngayon ng mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan ang imbestigasyon sa napaulat na insidente ng tanim bala noong Biyernes sa NAIA Terminal 3.
Tiniyak ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, agad iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Transportation (DOTr), Manila International Airport Authority (MIAA), at Office for Transportation Security (OTS) ang pagsisiyasat sa insidente ng ‘tanim-bala’ batay sa salaysay ng biktimang si Kristine Bumanglag-Moran na nakaalis din at hindi pinigilan sa paliparan.
“Isa ito sa mga pangunahing concern ng ating Pangulo at ipinangako niya noon na ‘pag meron pang insidenteng mangyari tulad nito ay ipapakain niya ‘yung bala,” ani Go sa panayam sa Davao City kamakalawa ng gabi.
Hinimok ni Go ang iba pang naging biktima ng ‘tanim-bala’ na maging mapagbantay at maghain ng reklamo dahil ang gobyerno ay handang umaksiyon sa kanilang hinaing.
“Ang importante rito, walang naha-hassle, walang naagrabyado, at walang kinikikilan na tulad noon,” aniya.
Matatandaan, naging pamoso ang ‘tanim-bala’ noong administrasyong Aquino na nakaprehuwisyo sa mga pasahero dahil ginawang modus operandi ng mga tiwaling opisyal ng paliparan, pulis at piskal para mangikil na nagdulot ng masamang imahen ng Filipinas sa ibang bansa.
(ROSE NOVENARIO)