NAGPALIWANAG kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director, C/Supt. Guillermo Eleazar ang sinibak na hepe ng CCP Complex Police Community Precinct (PCP) 1 kaugnay sa kanyang pagtakas mula sa kanyang tanggapan sa isinagawang sorpresang inspeksiyon sa Pasay City, nitong Lunes ng madaling araw.
Tinanggal si Chief Inspector Allan Estrada nang hindi makita at makontak nang mag-inspeksyon sa PCP-1 sa CCP Complex sa lungsod ng Pasay.
Bukod kay Eleazar naroon din ang hepe ng Pasay City Police na si S/Supt. Noel Flores, nang humarap at magpaliwanag si Estrada.
Sinabi ni Eleazar, dumepensa si Estrada na naroon lang siya sa loob ng kanyang kuwarto sa PCP ngunit natakot siyang lumabas dahil nasilip niyang nakapaligid ang media sa inspeksiyon.
Katuwiran niya sa dalawang opisyal, baka siya ay mapahiya kapag humarap siya sa media, kaya’t tumakas na lamang siya sa backdoor ng kanyang opisina.
Ang paliwanag ni Estrada ay hindi lumusot sa opisyal dahil dapat daw ay sinagot man lamang ni Estrada ang cellphone niya nang siya ay tinatawagan.
“Hindi niya sinasagot ang cellphone at pinatay pa niya nang mga oras na tinatawagan siya. Bakit siya matatakot sa media e andoon naman siya sa loob ng kanyang tanggapan kahit madaling-araw at hindi naman siya tulog at kompleto ang kanyang mga tauhan at hindi rin natutulog” pahayag ni Eleazar.
Ayon kay S/Supt. Flores haharap din sa imbestigasyon si Estrada, at doon malalaman kung dapat bang sampahan ng kaso.
Hindi nagbigay ng anomang pahayag si Estrada sa mga mamamahayag makaraan siyang humarap kina Eleazar at Flores.
(JAJA GARCIA)