IKINOKONSIDERA ni Pangulong Rodrigo Duterte na armasan na rin ang mga kapitan ng barangay sa buong bansa.
Sinabi ito ng Pangulo sa harap ng mahigit 2,800 bagong halal na chairman ng barangay sa Region 3 na nanumpa sa kanya kahapon sa Clarkfield, Pampanga.
Ang plano ng Pangulo ay base sa gitna ng dumaraming bilang ng mga opisyal ng barangay na namamatay sa pagtupad ng tungkulin kaugnay ng kampanya kontra ilegal na droga.
Ayon sa Pangulo, kapag nakita niyang talagang ginagawa ng mga opisyal ng barangay ang kanilang trabaho at lumalaban sa mga nasa likod ng operasyon ng ilegal na droga at iba pang krimen, bibigyan sila ng mga armas.
Sinabi ng Pangulo na puwede niyang mabigyan ng permit to carry firearms outside of residence (PTCFOR) ang mga kapitan ng barangay at lisensiya sa armas o baril basta ginagawa nila nang maayos ang trabaho.
Ginarantiyahan ng Pangulo sa mga kapitan ang buong suporta, sa katunayan ay inatasan si DILG officer in charge Eduardo Año na ibigay ang lahat ng tulong na legal kapag nademanda sila sa pagtupad sa tungkulin.
Ayon sa Pangulo, hindi siya magdadalawang-isip na pumasok sa eksena kapag nadisgrasya ang sinomang kapitan at kanilang mga opisyal na may kaugnayan sa pagtupad ng kanilang tungkulin o in line of duty.
Nagbabala rin siya sa mga opisyal ng barangay na hindi nagtatrabaho nang maayos, may kalalagyan at tiyak magkakaproblema sila.
(ROSE NOVENARIO)