SA Armed Forces of the Philippines (AFP), lalo na sa Philippine Marines Corps (PMC), matunog ang pangalang “Mandirigma.” Siya si retired Philippine Marine Major General Alexander Ferrer Balutan, miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Matikas” Class 1983.
Dahil sa “bata-bata system” sa AFP, Department of National Defense (DND) hanggang sa Palasyo ng Malacanang ng nakaraang administrasyon, pinagkaitan ng promosyon si Mandirigma bilang PMC commandant. Dahil kulang na siya sa panahon, pagsalpak ng Duterte administration ay napansin ang “pinulitikang promosyon” ni Mandirigma kaya itinalaga siya bilang Vice Commander ng Philippine Navy, kaya naka-two-star din siya. Puwede rin sana niyang makuha ang two-star hanggang three-star (lieutenant general) noong siya ay nasa Eastern Mindanao Command (Eastmincom) dahil naging deputy area commander siya doon pamatay talaga sa meritorious promotion ang “bata-bata system” sa serbisyo.
Hindi siya nagtagal bilang Navy Vice Commander dahil pinakiusapan siya noong 2016 ni Pangulong Rodrigo Duterte na magretiro ng maaga sa serbisyo upang pamunuan ang Bureau of Corrections (BuCor) na pinamumugaran ng iligal na droga, katiwalian at korapsyon. Pero hindi natuloy ang pag-upo ni Mandirigma sa naturang ahensiya.
Ang sabi ni Duterte, mas kailangan niya ng isang “berdugo” upang pamunuan ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), isa pang ahensiya ng gobyerno, na ayon sa Pangulo ay talamak din ang katiwalian at korapsyon. Noong 13 Setyembre 2016, umupo si Mandirigma sa PCSO, general na manager pa!
Kayo na ang humusga kay Mandirigma kung nasaan na ngayon ang PCSO sa usapin ng pamumuno at pagbabago.
Marami ang napa-wow at humanga sa pagkatao ni Mandirigma dahil pati itong manunulat na si Mauro Gia Samonte ay nagkainteres na pakialaman at isapluma ang buhay ng heneral.
Eto na nga, talagang trinabaho ni Samonte ang librong kanyang pinamagatang “MANDIRIGMA…In War Time And In Peace,” isang 116-pahinang libro. Mabibili ng P250 bawat kopya at balita ko ay naka-display na rin ito sa piling bookstore sa Metro Manila.
Sa 14 Hunyo, 1:00 ng hapon, pormal na ilalabas ang libro (book launch) sa Dimalupig Hall, AFP Commissioned Officers Club (AFPCOC) sa AFP General Headquarters, Camp Aguinaldo, Quezon City. Lahat ng kasamahan natin sa media, lalo na ang Defense Press Corps (DPC), ay welcome sa book launch.
Ngayon pa lamang ay may ilang batikang director na sa sining at pelikula ang nababalitang nagkakainteres sa talambuhay ni Mandirigma.
See you all sa book launch ni Mandirigma!
BAGO ‘TO!
ni Florante Solmerin