HULI sa aktong bumabatak umano ng ilegal na droga ang isang lalaki at dalawang babae sa isang bahay sa Pasay City, nitong Miyerkoles ng gabi.
Nakapiit ngayon sa detention cell ng pulisya ang mga suspek na sina Ramon Robillos, Ritchel Telen at Joan Prias, pawang nasa hustong gulang, at nakatira sa Brgy. 75, Pasay City.
Base sa ulat na ipinarating ng Southern Police District (SPD), inaresto ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) Libertad, ang tatlong suspek sa loob ng bahay sa 108 Ignacio Street, Bgry. 75, dakong 11:00 ng gabi.
Unang nakatanggap ng sumbong ang mga awtoridad mula sa isang concerned citizen kaugnay ng umano’y nagaganap na shabu session sa lugar dahilan upang magkasa ng operasyon ang mga pulis.
Nabulaga at hindi pumalag ang tatlong suspek nang mahuli umano sa aktong bumabatak ng shabu. Mahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) sa Pasay Prosecutor’s Office. (JAJA GARCIA)