UMAASA ang Palasyo na tutuparin ng magkakapatid na Tulfo ang pangakong ibabalik sa kaban ng bayan ang P60-milyong ‘kinita’ sa anunsiyo mula sa Department of Tourism na iniere sa kanilang programa sa PTV4.
“Well, nasa Tulfos na ho iyan kasi sila naman iyong boluntaryong nagsabing isasauli nila. So we’re counting on their word of honor na kung ibabalik nila at sinabi nila e talagang ibabalik nila,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa press briefing kahapon.
Tiniyak ni Roque, hindi palalampasin ng Palasyo ang mga nabulgar na katiwalian sa DOT sa panahon ni dating Secretary Wanda Teo alinsunod sa anti-corruption campaign ng pamahalaan.
Maliban sa isinasagawang imbestigasyon ng Ombudsman, ipabubusisi rin ng Palasyo sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang mga nabistong anomalya sa DOT.
Ilan sa mga napaulat na katiwalian sa DOT maliban sa P60-M ads deal sa PTV, ang P80-M Carinderia project ni dating Tourism Promotions Board (TPB) COO Cesar Montano at P105-M “World’s Stronegst Man” project.
Napabalita rin na may isinumite si Teo kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na “proposal to outsource visa processing for Chinese tourists.”
Ang kompanya umanong inirekomenda ni Teo para gumawa ng proyekto ay dati nang nasangkot sa credit card scam. (ROSE NOVENARIO)