LAYA na ang aktres na si Krista Miller makaraan ipawalang-sala ng Valenzuela court sa kinasangkutang kaso na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Nakalabas ng Valenzuela City Jail noong nakaraang Biyernes, 25 Mayo si Krista, batay sa kautusan ni Judge Snooky Maria Ana Bareno-Sagayo ng Valenzuela City Regional Trial Court Branch 283.
Pinawalang-sala ng korte si Krista dahil sa kakulangan ng ebidensiya na isinumite ng prosekusyon.
Nadetine ang aktres sa city jail noong Oktubre 2016, makaraan siyang arestohin ng mga awtoridad sa umano’y buy-bust operation sa isang gasoline station sa Valenzuela, kasama ang isang Aaron Medina.
Bago ito, dalawang modelo ang unang inaresto ng mga awtoridad at itinuro umano si Krista na pinagmulan ng droga.