‘PUNDIDO’ ang Department of Energy (DOE) para pigilan ang nakaambang pagtaas ng P1.55/kwh singil sa koryente kapag inaprobahan ang pitong power supply agreement (PSA) na pinasok ng Manila Electric Company (Meralco).
Inamin ni Energy Undersecretary Wimpy Fuentebella, tanging ang Energy Regulatory Commission (ERC) ang puwedeng magpasya kung papayagan ang ano mang power rate hike at hindi ang DOE.
“Hindi — ang disenyo ng ating EPIRA ay hindi ini-impluwensiyahan si ERC. Iyon po ang disenyo ngayon. Merong mga panukala na ibahin iyong disenyo, pero sa ngayon at sa ibang mga jurisdiction, the ERC is independent, because that serves as the second eye. Pangalawang pagtingin dito sa mga detalyadong transaksiyon na ito. Iyan ang nagbabantay sa rate issues,” ani Fuentebella hinggil sa posibilidad na impluwensiyahan ang ERC.
Nagbabala kamakailan si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, bubulagain ng Meralco ng dagdag na singil na P1.55 /kwh ang kanilang milyon-milyong konsyumer dahil sa pinasok na “sweetheart deals” sa kanilang sister companies, subsidiaries at affiliates nang walang bidding.
Si Zarate ang may akda ng House Resolution 566 na humihiling sa Kamara na imbestigahan ang inihaing pitong kuwestiyonableng power supply agreements sa ERC.
Kaduda-duda aniya ang pitong “sweetheart deals” ng Meralco na magreresulta sa P5.22 per Kwh halaga ng koryente gayong may ibang non-Meralco affiliated power generation companies ang nag-aalok ng P2 hanggang P5 lamang.
Ani Zarate, “deadly combination” ang power rate hike at paglobo ng presyo ng mga bilihin dahil sa Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN). Ayon kay Fuentebella, babantayan ng DOE ang PSA na pinasok ng Meralco kung sumunod sa competitive selection process.
(ROSE NOVENARIO)