NAIBULALAS ng Brunei-based businesswoman na si Kathelyn Dupaya ang sobrang sama ng loob sa panayam ng ilang members ng press sa Penthouse ng Altiva Building, Cypress Tower. Dito’y humarap din ang kanyang lawyer na si Atty. Osias Merioles, Jr.
Naglabas ng mga dokumento si Ms. Kathy upang pasinungalingang isa siyang scammer. Makikita sa kanyang records ang palitan ng pera ng kanyang mga katransaksiyon sa negosyo. Ito ang reaction niya sa presscon nina Joel Cruz, Sunshine Cruz, at iba pa, na pinaratangan siyang natangayan umano sila ng pera.
Ayon kay Ms. Kathy, ang lubos na isinasama ng loob niya ay ang mga paratang sa kanya ng mga dating kaibigan, lalo na si Sunshine na itinuring niyang BFF. “Lahat nang iyan ay idadaan ko sa court. Let the court judge. In my heart, alam kong hindi ako nag-estafa, hindi ako scammer kasi lahat ng ito kinita nila. Nandito lahat ang ebidensiya ko.
“May scammer ba na kumita ka Sunshine Cruz ng P5,844,147.47. Nakinabang ka sa lahat ng luho mo for two years, nagpunta ka ng Europe with all my expenses, with all your allowance, with all your shopping. Nagpunta ka ng Singapore, nag-shopping ka all my expenses. Nagpunta ka ng Brunei lahat, pera, suporta… Sumasama ka sa akin sa Resorts World kapag nanalo ako, nakinabang ka sa panalo ko. Iyon ba ang scammer?
“Nasaan ang katarunangan? Kaibigan ko na nakinabang sa akin ng ilang taon. Puwede namang pag-usapan ng private dahil kaibigan ko kayong lahat, bakit kailangang idaan ninyo sa media?” Naiiyak na pahayag ni Ms. Kathelyn.
Litanya pa niya, “Ang pinakamasakit na ginawa ng mga artistang ito, tinetext nila ang aking special child. Sinisira nila ang pangalan ko sa anak ko. Makatao ba ang mga iyan? Kung ako kaya ang mag-message sa mga anak nila, ikaw anak ni Ynez Veneracion dating bold star. ‘Yang si Sunshine Cruz, sasabihin ko sa mga anak niya, ‘Bold star ang nanay mo,’ ano kayang pakiramdam nila? Mine-message nila, ‘Ang nanay mo scammer, estafa…
“Sino ang hindi lulubog sa Lord of Scents, six percent per month ang interest. 1% capital per day, 1% interest per day. Sa totoo lang, hindi ko kasi nabasa ang kontrata kasi wala akong lawyer that time. Pirma lang ako nang pirma, humingi ako ng kopya, hindi nila ako binigyan. Ang sabi nila, ipa-notaryo muna bago nila ako bigyan.
“That time na nag-message siya sa Viber thru account statement eto ang bayaran mong penalty. Na-shock ako na may penalty. Sa 8 % na tubo namim, 2% lang sa akin, papayag ba naman ako ng 1% per day? Sino’ng sira-ulong businesswoman na 2% lang ang kinita niya sa investment tapos may 1% penalty? Ngayon, nananawagan ako sa BIR, lahat ito kailangan ko ng resibo galing sa BIR. Sinira ninyo ang pagkatao ko sa buong mundo,” aniya.
“Kahit maubos ang ari-arian ko, kakasuhan ko kayong lahat. Patunayan ninyo sa husgado, sa buong mundo na ako’y scammer,” pakli pa niya sa gagawing pagsasampa ng libel sa Jolo, Sulu para kina Joel, Ynez Veneracion, Sunshine, Dianne Medina, atbp.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio