TINIYAK ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi magagaya kay dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino, Jr., si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Ma. Sison na pinatay habang pababa sa eroplano sa paliparan.
Inatasan ni Duterte ang bagong commander ng Presidential Security Group na si Col. Jose Eriel Niembra na protektahan at bantayan ang seguridad ni Sison.
Inianunsiyo ito ni Pangulong Duterte kasabay ng change of command ceremony ng PSG sa Malacañang park kagabi.
Sinabi ng Pangulo na makasisiguro si Sison na hindi siya malalagay sa panganib kapag umuwi rito sa bansa para sa pag-uusap sa kapayapaan.
Tiniyak ng Pangulo na hindi lamang ang pananatili ni Sison sa bansa ang garantiya para sa kaniyang kaligtasan kundi maging kapag lalabas siya ng bansa.
Giit ng Pangulo, hindi niya style ang pagiging traydor o gagawa ng Aquino style na pagpatay, na binaril nang nakatalikod habang pababa sa eroplano.
Sakali aniyang maunsiyami o mabulilyaso na naman ang peacetalks, sinabi ng Pangulo na siya mismo ang maghahatid sa airport kay Sison.
Ngunit umaasa ang Pangulo na magkakaroon ng positibong resulta ang tinatrabahong peacetalks ng gobyerno sa CPP-NPA-NDF.
Kasabay nito, ang pagkalugod ng Pangulo sa mabilis na pag-usad ng BBL sa dalawang kapulungan ng Kongreso na paunang hakbang sa kapayapaan sa pagitan ng Kristiyano at mga Moro sa Mindanao.
(ROSE NOVENARIO)