HINDI totoo ang impormasyon na hanggang 120 lamang kada araw ang maipoprosesong request ng mga pasyente na pumipila para sa kanilang ayudang medikal sa Lung Center of the Philippines (LCP) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na matatagpuan sa Quezon Avenue, Quezon City. Walang quota kada araw.
Ang totoo, mahigit sa 400 request kada araw ang ipinoproseso at 1:00 ng madaling araw pa lamang ay dagsa na sa pila ang ating mga mamamayan sa LCP.
Nang aking tanungin ang mga kinauukulan sa LCP, kanilang inilinaw na ang sinasabing 120 quota ay siyang uunahin sa pagsisimula ng pagproseso ng mga dokumento o pagbigay ng Guarantee Letter (GL) dahil sila ang hindi umabot sa cut off time nang nakalipas na araw. Kung hindi naman ay ito ang bilang na una nang nakaiskedyul na dapat harapin.
Sa katunayan, tinanggal na rin ang inilagay na karatula dahil kahit sino ay aakalain na quota talaga ang 120.
Nang aking salikskin kung ilang Social Worker ang humaharap sa daang-daang nakapila sa LCP, 10 lamang. Mayroong 3 supervisors, at 3 computer encoders na uploader pa. Dakong 6:30 ng umaga pa lamang ay “at your service” na ang isang supervisor at 7:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi ang trabaho ng social worker at encoder/uploader. May tig-iisang oras lamang kada empleyado para kumain ng tanghalian at mag-unat-unat para “‘di ma-stroke.”
Sa pitong araw, araw ng Linggo lamang ang panghinga ng LCP.
Kada araw, pumipirma ng tseke hanggang P20 milyon si PCSO General Manager Alexander Balutan para sa libo-libong pasyente na dumudulog ng ayudang pinansiyal para sa kanilang hospital bill, operasyon, pang-dialysis, pang-chemo, at maski para sa wheelchair, hearing aide at kung ano-ano pang swak sa mandato ng charity assistance ng PCSO.
Sa Metro Manila, ang LCP ang awtomatikong pupuntahan ng mga kababayan nating may sakit at para dumulog ng ayudang pinansiyal. Ang pagsasalarawan nga sa araw-araw ay parang ‘sardinas’ ang eksena sa LCP. Sa katunayan, hindi po naka-aircon ang pila pero sapat naman ang electric fan na gumagana.
Talagang nahihirapan pa rin ang LCP na maibsan ang dagsa ng pila ng ating mga kababayan kahit mayroon na tayong mga ASAP (At-Source-Ang-Processing) Desk sa 58 partner-hospitals na karamihan ay nasa Metro Manila pa rin.
Ang listahan ng mga ASAP Desk ay makikita sa www.pcso.gov.ph at sa social media Facebook page ng Office of the General Manager na “Mandirigma Kawanggawa” at ang FB Community page na “Mandirigma sa Kawanggawa” (http://facebook.com/mandirigma83). I-like at i-follow ang mga social media page para laging updated sa PCSO.
Sa mga kababayan natin sa mga probinisya, hindi n’yo na po kailangan pumunta sa LCP dahil sa lugar n’yo ay mayroon nang PCSO Branch Office. Ang listahan ng mga branch office natin ay naka-post din sa nabanggit na website ng PCSO at social media pages nito. Kompleto po ang address, contact number at email ng mga branch office natin.
Bawat branch office natin ay may pondo kada araw para sa Individual Medical Assistance Program o IMAP (Daily IMAP Allocation), dito nanggagagaling ang suportang pinansiyal sa pamamagitan ng GL para sa mga kababayan nating dumudulog ng ayuda araw-araw.
E-mail: [email protected]
BAGO ‘TO!
ni Florante Solmerin