NANAWAGAN ang Palasyo sa publiko na habaan ang pasensiya at magtiis sa matinding dagok sa buhay ni Juan dela Cruz sa implementasyon ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nasa Kongreso ang bola para gumawa ng panibagong batas na sususpende sa TRAIN law.
Hindi aniya uubra ang isang executive order para ipatigil ang pag-iral ng TRAIN law .
“Nasa Kongreso po iyan. Kung talagang magkakaroon po ng batas, susunod po tayo na hindi natin kokolektahin iyan; pero ang pakiusap lang po, hindi naman po permanente itong nangyayaring krisis,” aniya sa press briefing sa Palasyo kahapon.
Aminado si Roque na lubhang nakababahala ang nararanasang krisis ngayon dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
“Talaga naman pong krisis, nakaaabala ang pagtaas ng presyo, dahil mahigit 200% ang itinaas ng presyo at hindi natin iyan talaga inaasahan, dahil medyo stable naman iyong presyo ng krudo ‘no,” dagdag ni Roque.
Para sa Department of Finance (DOF), pitong buwan pang magtitiis ang mga pangkaraniwang mamamayan sa walang habas na pagtaas ng presyo dahil ang second tranche ng TRAIN Law sa Enero 2019 ang gusto nilang ipasuspende kapag umabot na sa 80 dolyar ang presyo ng langis kada bariles sa world market.
Nagdaraos ng Black Friday protest ang mga organisasyon mula sa Stop TRAIN Coalition kasabay nang paggulong ng online petition para hilingin ang pagtigil sa implementasyon ng kontrobersiyal na batas.
(ROSE NOVENARIO)