KINALAMPAG ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tatlong kagawaran upang umaksiyon para masalag ang masamang epekto ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) kay ‘Juan dela Cruz.’
Sinabi kahapon ni Trade Secretary Ramon Lopez, pinaigting ng DTI ang pag-monitor sa mga nagsasamantalang negosyante at hindi sumusunod sa itinakdang suggested retail price (SRP).
Inatasan ng Pangulo ang DTI na i-monitor, arestohin at kasuhan ang mga mabibistong nagsasamantala sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis at nag-o-overprice sa kanilang produkto.
Habang si Labor Secretary Silvestre Bello ay inalerto ang lahat ng regional wage board upang pag-aralan ang posibilidad na umento sa sahod ng mga manggagawa.
“May advice na si Secretary Bello sa lahat ng members ng RTWPB nationwide na umpisahan ang konsultasyon para maikonsidera ang walang habas na pagtataasan ng presyo ng mga bilihin, petroleum products,” ani Labor Undersecretary Joel Maglunsod.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kumikilos ang Department of Energy upang maghanap ng mas murang langis galing sa mga bansang hindi kasapi ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC).
Ikinokonsidera ng administrasyong Duterte ang pag-angkat ng langis sa Russia na mas mura ang halaga.
“Gumagalaw na po ang DOE ngayon para maghanap ng mas murang langis galing po sa mga non-OPEC member, kasama na po ang Russia. Gagawin po natin ang lahat para po makaangkat nang mas murang mga langis, dahil hindi naman lahat po ng oil producers ay members ng OPEC. At tinitingnan po natin iyong posibilidad na sa diesel man lang, kasi diesel po ay makaaangkat tayo galing sa Russia,” ani Roque.
Mula nang ipatupad ang TRAIN Law noong Enero, sinabing umabot sa 4.7 % ang inflation rate sa bansa.
(ROSE NOVENARIO)