TUNAY na isang biyaya kung nakakuha kayo ng isa sa mga ‘goody bag’ na ipinamigay sa mga public guest na dumalo o sumaksi sa kasal nina Henry Charles Albert David o Prinsipe Harry at dating Hollywood actress Meghan Markle — mukhang hindi na kakailanganin pang basagin ang inyong piggy bank.
Ang siste, nakatanggap na ng bid na £50,000 o 57,000 euro (mahigit P3 milyon) ang isa sa canvas souvenir bag, na may dekorasyong mga initials ng bride-and-groom. Nakasaad ito sa auction website na e-bay, pero dalawang araw na lang ang nalalabi para subastahan.
Naglalaman ang ‘goody bag’ ng isang marriage order of service booklet, isang commemorative chocolate coin, wedding labeled spring water, isang royal wedding fridge magnet at tub ng shortbread, na pawang ginawa para lang sa araw ng kasal.
Libo-libo na rin ang halaga sa presyohan sa online ng ilan sa mga bag na ipinamahagi sa 2,640 publiko na sinuwerteng makatanggap ng invite sa loob ng castle grounds sa Windsor.
Inilarawan ng isa sa mga vendor ang lot bilang “a piece of history and Royal Wedding memorabilia given to celebrate a very special day.”
Kabilang sa mga invitees o naimbitahan mula sa publiko na nakipaghalubilo sa mga dugong bughaw at A-List celebrity ay mahigit 1,200 mamamayang Briton at 200 miyembro rin ng charities na sinuportahan ng bagong kasal, 610 indibiduwal mula sa local Windsor community, at halos 100 estudyante mula sa kalapit na mga eskuwelahan at 530 royal staff.
ni Tracy Cabrera