ISANG opisyal ng gobyerno na nakipag-transaksiyon sa kapatid ni Pangulong Rodrigo Duterte ang masisibak sa puwesto.
Ayon sa Pangulo, mayroon pang limang mga opisyal ang nasa listahan niya ngayon na nakatakda na rin niyang palayasin sa puwesto.
Isa aniya rito ay isang undersecretary na gumamit ng pangalan o humingi aniya ng tulong sa kaniyang kapatid para sa isang proyekto.
Binigyang diin ng Pangulo, kabilin-bilinan niyang huwag gagamit ng pangalan o makikipag-usap o makikipag- transaksiyon sinoman sa kaniyang mga kaanak o pamilya.
Dahil dito ay masisibak aniya sa puwesto ang nasabing opisyal dahil sa paglabag sa kaniyang kautusan.
Hindi pinangalanan ng pangulo kung sino ang nasabing opisyal, at sinabing kakausapin muna niya pagbalik sa Maynila.
“Now, this guy he ran afoul within the department and sought the help of I think my sister. At inilagay niya doon sa ano that he went to the — for succor or for help from the first family at sinabi sa kanya “go.” Sabi ko, “tanggalin mo.” Sabi ko, “fire him out.” His violation? He violated my order na pagka ako ang minention or talking to my relatives, even on a conversation about a project only, t***, sisipain talaga kita,” aniya.
“I told everybody huwag, consider it denied and do not even — even think about talking about the project whether it is really for or against. Ang sabi ko roon ilagay mo ang rason na sinipa ko siya for just violating that. I am imposing talagang the strictest.”
Kamakailan ay napaulat na nadakip sa Japan ang umano’y ka-sosyo ni Emmanuel Roa Duterte, kapatid ng Pangulo, sa Japan-Philippine Global Coin (J-PGC) na si Takanori Okuno sa kasong assault at robbery.
Batay sa ulat, sa unang bahagi ng 2018 ay nag-apply ng lisensiya ang J-PGC sa Securities and Exchange Commission (SEC) para mailunsad ang cryptocurrency-related projects.
May panawagan din ang Philippine Embassy sa Greece sa mga Filipino roon na mag-ingat sa pakikipag-deal sa Digital Currency Co. Ltd at “Philippine Global Coin.”
Iginiit ni Presidential Spokesman Harry Roque ang panawagan ng Pangulo na iwasan ang kanyang mga kaanak dahil hindi niya kino-konsinti ang anomang pakikialam o pag-nenegosyo nila sa gobyerno.
(ROSE NOVENARIO)