HINDI lumahok si Pangulong Rodrigo Duterte sa kauna-unahang halalan sa ilalim ng kanyang administrasyon kahapon.
Tikom ang bibig ng Palasyo kung ano ang dahilan nang hindi pagboto ni Pangulong Duterte sa barangay at SK elections sa Davao City.
Ilang minuto makalipas ang 3:00 ng hapon, kinompirma ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, hindi na boboto si Pangulong Duterte.
“No reason,” matipid na tugon ni Go sa text message sa pag-usisa ng media sa dahilan ng no-show ni Duterte sa Cluster 889, precinct -1245-A sa Daniel Aguinaldo National High School sa Davao City.
Wala rin pahayag si Presidential Spokesman Harry Roque kaugnay sa isyu.
Dalawang beses iniliban ang barangay at SK elections sa ilalim ng administrasyong Duterte, una noong Oktubre 2016 at pangalawa noong Oktubre 2017.
Mula nang maluklok sa Palasyo, ilang beses sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya kursunadang matuloy ang barangay elections dahil tiyak na popondohan ng drug money ang mga kandidatong suportado ng sindikato ngunit ipinaubaya niya ang pagpapasya sa Kongreso.
ni ROSE NOVENARIO