BUMALIK na sa normal ang relasyong Filipinas-Kuwait matapos lagdaan ang memorandum of agreement hinggil proteksiyon ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Gulf state.
“Normal na po ang samahan ng Philippines at Kuwait. Ang hinihintay lang po talaga ng parehong panig ay iyong paglagda ng memorandum of agreement,” ani Roque pagdating kamakalawa ng gabi mula sa Kuwait.
Nakasaad sa MOA ang pagbibigay ng 12-oras na pahinga sa OFW, hindi pagkompiska sa pasaporte at cell phone, pagbuo ng 24/7 hotline na puwedeng pagsumbungan ng pang-aabuso sa OFW, at isang special unit na maaaring sumaklolo sa kanila.
Matatandaan, nagkaroon ng lamat ang relasyon ng dalawang bansa nang matagpuan ang bangkay ng isang OFW na si Joana Demafelis sa loob ng freezer.
Habang nagalit ang Kuwaiti government sa kumalat na video sa social media hinggil sa rescue operations sa distressed OFWs sa Gulf state na walang koordinasyon sa kanila.
Naging daan ito upang pauwiin ng Kuwait ang kanilang ambassador sa Filipinas at arestohin ang mga Filipino na kasali sa rescue operations.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, hihimukin niya si Pangulong Rodrigo na wakasan na ang deployment ban sa Gulf State.
Kasamang umuwi ng bansa nina Bello at Roque ang 87 distressed OFWs.
(ROSE NOVENARIO)