INIURONG na ng gobyerno ng Kuwait ang kasong kidnapping laban sa apat na Filipino drivers na una nang inaresto at ikinulong dahil sa pagsama sa rescue operation sa distressed overseas Filipino workers (OFWs).
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sa ngayon ay nakauwi na ang apat driver sa kani-kanilang bahay sa Kuwait.
Gayonman, sinabi ni Roque na hindi uuwi ng Filipinas ang apat na driver dahil sa Kuwait na sila naninirahan.
“Yung mga driver napakawalan na, pero hindi po sila uuwi ng Filipinas kasi dito talaga sila nakatira sa Kuwait at wala na silang mga kaso,” ani Roque sa phone patch interview sa Palace reporters kahapon.
Aniya, gaganapin ang pirmahan ng memorandum of agreement ngayon sa Kuwait at makakasama bilang mga kinatawan ng Filipinas sina Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano at Special Envoy to Kuwait Abdullah Mamao.
(ROSE NOVENARIO)