TINANGGAP ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibitiw ni Wanda Teo bilang kalihim ng Department of Tourism (DOT) makaraan masangkot sa kuwestiyonableng P60-M advertisement ng kagawaran sa PTV-4 na napunta sa kompanya ng kanyang kapatid.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kahit nag-resign si Teo ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Office of the President sa Commission on Audit (COA) report hinggil sa P60 milyong ibinayad ng DOT sa PTV-4 na ibinigay sa Bitag Media Unlimited Inc., na pagmamay-ari ni Ben Tulfo, host ng programang Kilos Pronto , at kapatid ni Tourism Secretary Wanda Teo.
Sinabi ni Roque, maglalabas ng rekomendasyon ang OP sa magiging kapalaran ng iba pang opisyal na maaaring sabit sa kontrobersiya.
“The investigation will have to make recommendations too on what will happen to the other individuals,” aniya.
Sakali aniyang may matuklasan na pananagutang kriminal ang mga opisyal na sangkot sa usapin, ang Ombdusman ang bahalang maghain ng kaso.
Kinompirma kamakailan ni Special Assistant to the President Christopher “Bong”Go, kasama sa mga sinisiyasat sa usapin si Communications Secretary Martin Andanar.
Ang PTV ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).
(ROSE NOVENARIO)