POSIBLENG kasama sa ilitanya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikatlong state of the nation address (SONA) ang mga nabistong korupsiyon sa Department of Tourism at Philhealth.
Ito’y dahil ang nais ibandera ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA sa 23 Hulyo ang isyu ng korupsiyon.
“The campaign against—iyong kampanya po laban sa korupsiyon ay hinaylight (highlighted) ni Presidente noong pinag-uusapan po iyong content ng State of the Nation Address,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Paliwanag ni Roque, may bagong format ang SONA ni Duterte at lilimitahan ito sa pag-uulat ng Pangulo sa mga usapin na malapit sa kanyang puso, partikular ang isyu ng korupsiyon.
“Pero talagang iyong SONA will be the President talking to the people and reporting to the people on matters na malapit sa puso po ng ating Presidente. At doon po lumabas iyong kampanya niya sa korupsiyon na wala pong tigil at wala pong kupas iyong kampanya,” sabi ni Roque.
Naging tampok sa nakalipas na isang linggo ang kuwestiyonableng P60-M na ibinayad ng Department of Tourism sa kompanya ni Ben Tulfo, kapatid ni Secretary Wanda Teo para sa inilabas na anunsiyo sa PTV sa programang Kilos Pronto.
Si Teo ay nagbitiw kahapon bilang kalihim ng DOT at nangako ang kanyang kapatid na ibabalik sa PTV ang P60-M.
Habang sa isyung korupsiyon sa Philhealth ay pinaiimbestigahan na rin ng Pangulo ang report ng Commission on Audit (COA) na P627,000 ang travel expenses ni officer-in-charge Celestina dela Serna at ang pagkalugi ng ahensiya ng P9-B.
Sa liham ng Philhealth Workers for Hope, Integrity, Transparency and Empowerment (Philhealth WHITE) kay Pangulong Duterte, isiniwalat ng mga obrero ang paglagak ng P900-milyon mula sa P1 bilyong Externally Managed Fund (EMF) sa common stocks na labag sa Section 27 (d) ng Republic Act 10606 o Philhealth Charter na nagtatakda na dapat ay sa preferred stocks lamang puwedeng i-invest ang EMF.
Ang investment ng EMF sa common stocks ay nagresulta sa pagkalugi ng P116 milyon, batay sa income statement.
Nabatid sa Philhealth WHITE na pinayagan nina Dela Serna at PHICEA President Esperanza Ocampo ang ilegal na pagpataw ng P2,000 na 10% agency fee sa 2016 at 2017 collective negotiation agreement (CNA) incentive na nagkakahalaga ng P20,000 noong nakalipas na Enero 2017 sa 3,500 casual employees na umabot sa P16-M.
ni ROSE NOVENARIO