WALA pang kakayahan ang Filipinas para i-monitor ang napaulat na paglalagay ng China ng anti-ship cruise missiles at surface-to-air missile sytems sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr., kailangan ng imagery satellite system ng bansa upang masubaybayan ang mga kaganapan sa mga pinag-aagawang teritoryo sa WPS.
“Sa ngayon, wala pa naman akong natatanggap na official report mula sa “friendly countries” hinggil sa presensiya ng missiles ng China sa Spratlys,” ani Esperon sa panayam ng Hataw kahapon.
Batay sa US news network CNBC, ayon umano sa kanilang sources sa intelligence community sa Amerika, nag-deploy noong nakalipas na Miyerkoles ang China ng anti-ship cruise missiles at surface-to-air missile systems sa Kagitingan, Zamora at Panganiban reefs sa WPS.
Tiniyak ni Presidential Spokesman Harry Roque, ginagawa ng gobyerno ang lahat ng diplomatikong paraan upang tugunan ng China ang usapin.
”We are exploring all diplomatic options,” aniya.
(ROSE NOVENARIO)