APAT araw makaraan paslangin ang isang paring Katoliko at tatlong araw matapos pagbabarilin ang isang broadcaster, hinintay pa ng Palasyo na usisain ng media bago kinondena ang mga nasa-bing insidente.
“Naku, kinokondena po natin lahat ng pata-yan na ‘yan at sinisiguro ko naman po na ang gobyerno po ay gumagawa ng hakbang para tuparin ang kaniyang responsibilidad ‘no, iimbestigahan po natin ‘yan, lilitisin at paparusahan ang mga pumapatay,” tugon ni Presidential Roque nang tanungin hinggil sa pagpatay kina Father Mark Ventura at broadcaster Edmun Sestosa sa press briefing kahapon sa Malacañang.
Noong Linggo pa tinanong si Roque ng mga mamamahayag kung ano ang reaksiyon ng Palasyo sa kaso ni Fr. Ventura ngunit deadma lang habang mula nang binaril si Sestosa noong Lunes at namatay noong Martes walang kibo ang Malacañang.
Hindi alam ni Roque ang ulat na sa loob ng dalawang taon ng admi-nistrasyong Duterte ay may naitalang 85 insidente nang pag-atake sa media.
“Hindi ko po alam kung anong classification ang ibig sabihin ng ‘attacks’. Baka naman pati verbal attacks kasama riyan. So hindi ko po talaga alam kung ano ang ‘attacks’ na ibig sabihin nila. Let me clarify what they mean by that,” ani Roque.
Bukod sa pagiging presidential spokesman, si Roque ay presidential adviser on human rights.
(ROSE NOVENARIO)