KOMBINSIDO si Pangulong Rodrigo Duterte na may alam si Communications Secretary Martin Andanar sa isyu ng P60 milyong advertisement fund ng Department of Tourism na ipinambayad sa production company ng magkapatid na Tulfo, mga kapatid ni Tourism Secretary Wanda Teo.
Batay sa source sa Palasyo, galit si Pangulong Duterte kina Andanar, Teo at mga Tulfo.
Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque, hindi mangingiming tanggalin agad ni Pangulong Duterte ang ilang miyembro ng kanyang gabinete na makikitang sangkot sa katiwalian o anomang iregularidad.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, napatunayan na ni Pangulong Duterte na sinisibak niya ang mga opisyal ng Pamahalaan na mapatutunayang sangkot sa katiwalian o iregularidad at hindi aniya mahalaga kung kaibigan o kakampi sila.
Maliban aniya sa imbestigasyon ng Office of the President, dapat din gawin ng Ombudsman ang trabahong magsiyasat sa mga napaulat na katiwalian sa gobyerno.
“So the Ombudsman has to investigate and has to do its own case buildup,” ani Roque.
Kamakalawa’y kinompirma ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go na kabilang sa iniimbestigahan sa issue ay si Andanar.
Hindi rin naikaila ni Go ang pagkadesmaya sa nabistong santambak na puwestong hawak ng esposo ni Teo sa DOT attached agency na Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).
“Delicadeza naman, labag sa batas iyan,” ani Go sa panayam kamakalawa.
(ROSE NOVENARIO)