NAGBITIW sa tungkulin ang isang assistant secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) dahil ‘naguluhan’ sa mga kaganapan sa kagawaran.
Batay sa source sa Palasyo, nag-resign bilang assistant secretary for administration si Kissinger Reyes ngunit hindi isinasapubliko ng PCOO.
Ang napipisil umanong ipalit kay Kissinger ay si Niño “Bonito” Padilla, isang mamamahayag mula sa DZRH-Cebu.
Noong nakalipas na linggo’y nagpunta si Padilla sa ilang tanggapan ng PCOO sa New Executive Building (NEB) sa Malacañang Complex, pati sa Press Working Area na nakabase ang Malacañang Press Corps.
Ilang araw bago umupo sa Palasyo si Pangulong Rodrigo Duterte noong 30 Hunyo 2016 ay napaulat na itatalaga si Padilla bilang Assistant Secretary for Media Affairs ngunit hindi natuloy, bagkus ay si Queennie Rodulfo ang inilagay sa puwesto.
Makalipas ang dalawang buwan, ipinuwesto ni Duterte si Mia Reyes, dating TV5 reporter bilang assistant secretary for media affairs at si Rodulfo ay inilagay sa bagong puwestong assistant for content and messaging.
Sila Reyes at Rodulfo ay dating mga kasamahan ni Communications Secretary Martin Andanar.
Si Andanar ay inireklamo kamakailan ng PTV Employees Association (PTEA) kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa ilang labor issues at katiwalian sa government controlled People’s Television Network Inc. (PTNI). Ang PTVNI ay nasa ilalim ng pangangasiwa ni Andanar.
(ROSE NOVENARIO)