GAGAMITIN ng administrasyong Duterte ang halos P5 bilyong ayuda ng China sa Filipinas para pauwiin ang lahat ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait.
“Gamitin ko ‘yung pera. Sabi ko, diyan na muna ‘yan. Place it in trust. And once we start to withdraw all Filipinos there in Kuwait, maybe I’ll tell you the result of our intervention in behalf of our countrymen,” sabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakalawa.
Kahit magnakaw pa siya sa Central Bank ay gagawin daw ni Duterte para lamang mapauwi ang OFWs sa Kuwait kasabay nang pakiusap sa Kuwaiti na huwag saktan ang mga Filipino sa kanilang bansa.
“Though the calamitous events did not occur here but para sa akin kung naghihirap lang ‘yung mga kababayan ko, gagamitin ko. Magnanakaw pa ako kung gusto mo. Ako na ang magnakaw sa Central Bank mismo. But they have to come home,” dagdag ni Duterte.
Hinimok ni Duterte ang OFWs na tumalima sa kanyang panawagan na magbalik sa bansa sa ngalan ng “patriotismo.”
“Come home. Maski gaano tayo kahirap, mabubuhay tayo,” ani Duterte.
Permanente na aniya ang deployment ban sa Kuwait.
Nauna rito’y pinalayas ng Kuwait si Philippine Ambassador to Kuwait Rene Villa matapos ilabas sa social media ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang rescue operation sa ilang Filipino sa gulf state.
Naghain ng diplomatic protest ang Kuwait sa Filipinas at pinabalik sa kanilang bansa ang ambassador nila rito.
Hindi na matutuloy ang nakatakdang paglagda ng memorandum of agreement ng Filipinas at Kuwait na nagsasaad ng mga kondisyon ni Duterte na ayusin ang trato sa OFWs. (ROSE NOVENARIO)