WALANG “law enforcement power” ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) laban sa pag-aresto ng mga indibidwal o grupo na naaktohang sangkot sa ilegal na sugal gaya ng jueteng, masiao, swertres, pares, peryahan ng bayan, at kung ano-ano pa. Pero ang PCSO ay may karapatan at obligasyon na maghain ng kaso laban sa mga lumalapastangan ng panuntunan lalo sa pagsugpo ng ilegal na sugal na kumikitil sa pagkalap ng pondo para sa programa ng gobyerno sa kawanggawa, kaya nga may “battery of lawyers” o legal department ang ahensiya.
Habang isinusulat ito ay lumabas ang balitang inihahanda na ng PCSO ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa Globaltech. Dapat noon pa, bagal naman!
Dapat sampahan ng PCSO ng kaso ang Globaltech sa lahat ng lugar na lantaran ang paglalaro ng peryahan. Karapatan din ng Globaltech na depensahan ang kanyang sarili. Sinampahan nga nila ng kaso si retired Marine major Manuel “Mawee” Fraginal Sr., Executive Assistant VI ni PCSO General Manager Alexander Balutan at hepe rin ng Inter-Branch Monitoring and Security, kaugnay sa pagpapasara ng peryahan sa Bacolod City nitong nakaraang linggo.
Noong 2016, binawi ng PCSO sa pamamgitan ng Board Resolution ang Deed of Authority ng Globaltech na maglaro ng peryahan dahil sa samot-saring paglabag, gaya ng hindi pagre-remit ng kita na umabot sa P100 milyon. Sinundan ito ng pag-isyu ng PCSO chairman at general manager ng mga sertipikasyon na ilegal ang peryahan.
Noong Oktubre 2017, ibinasura ng isang korte ng Pasig City ang hirit ng Globaltech na Writ of Injunction. Pero tuloy pa rin ang kanilang ilegal na operasyon!
Dapat katuwang ng PCSO ang Philippine National Police (PNP) sa pagsugpo sa ilegal na sugal. Sa katunayan, mayroong Memorandum of Agreement (MOA) ang PCSO at PNP na nilagdaan ng magkabilang panig noong huling yugto ng 2016 na nagbibigay ng kapangyarihan sa PNP na pangunahing law enforcement agency ng gobyerno na magsasagawa ng pagsawata o paglipol sa illegal numbers game at iba pa.
Umaksiyon naman kayo!
Alam kaya ito ng bagong PNP chief General Oscar Albayalde? Dapat personal na dalhan ng PCSO ang heneral ng kopya ng MOA para maipamudmod sa lahat ng local police commanders sa buong bansa.
Isama na rin ibigay kay Albayalde ang kopya ng Republic Act 9287 (ang batas na magkukulong sa mga tiwaling kawani ng gobyerno na sangkot sa ilegal na sugal), Executive Order No. 13, ang all-war vs illegal gambling ng Pangulong Duterte, at ang mga kaukulang dokumento ng PCSO gaya ng Board Resolution at sertipikasyon ng chairman at general manager.
Sabagay, nagsalita na si Albayalde hinggil sa laban ng pamahalaan sa ilegal na sugal matapos sabihin ng nagretirong PNP chief, Gen. Ronald dela Rosa kay Pangulong Duterte sa kanyang valedictory speech na hindi siya tumanggap mula sa illegal gambling.
No comment!
BAGO ‘TO!
ni Florante Solmerin