WALANG iringang namagitan sa mga pamilya ng Duterte at Aquino magmula nang pumasok sa politika si Pangulong Rodrigo Duterte noong 1986 matapos ang EDSA People Power 1 Revolution.
Ito ang tugon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa pahayag ni dating presidential sister Kris Aquino na walang masamang ipinakita sa kanya si Pangulong Duterte sa Davao City noong 2010 presidential elections.
Sinuportahan aniya ng Pangulo si dating Pangulong Corazon Aquino noong 1986 revolution, maging sa kampanya noon sa Davao City.
“Well, ang nabasa ko sa statement niya, ngayon lang, a few minutes… a few seconds before the press briefing was, walang masamang ipinakita si Presidente Duterte sa kanya at sa kanyang pamilya [ano], noong nangangampanya siya para sa kanyang kapatid sa Davao,” ani Roque.
“At alam mo, iyon din ang sinabi sa akin ni Presidente ha. Kasi si Presidente noong ‘86 revolution, nag-suporta kay Cory. At lahat ng kampanya ng pamilyang Aquino suportado ni Presidente Duterte sa Davao… and the mother of course [‘no] of the President,” dagdag ni Roque.
Hindi sinagot ni Roque ang pag-usisa ng media sa posibilidad ng rekonsilasyon ng Palasyo sa mga Aquino sa kabila na sinampahan ng iba’t ibang kaso si dating Pangulong Benigno Aquino III dahil sa mga anomalyang naganap sa kanyang administrasyon, gaya ng kontrata ng MRT, Dengvaxia vaccine, PDAF at DAP scam at pagkamatay ng SAF 44 commandos sa Mamasapano.
“Welcome on board,” sabay pakita ng Duterte fist pose ang reaksiyon ni Roque sa sinabi ni Kris na mabuti na rin nanalo si Duterte nitong nagdaang 2016 presidential elections at hindi si dating Liberal Party standard bearer Mar Roxas, na asawa ng TV host na si Korina Sanchez.
Pinaghugutan ni Kris ng komento niya ang inilabas ni Sanchez sa kaniyang TV show na interview sa dating asawa ng aktres na si James Yap, na masaya na sa kanyang ikalawang pamilya.
Kahapon din ay humingi ng paumanhin si Kris sa kanyang kuya Noy at kay Roxas na nakaladkad sa kanyang hinagpis sa social media laban kay Sanchez.
Matalinghaga naman ang social media post ni Sanchez na larawan niya habang nakasakay sa carousel at may status na “Life is like a merry-go-round. Remember to ride with the eyes of a child & stay happy!”
(ROSE NOVENARIO)