PINASOK sa bahay at pinagbabaril hanggang mapatay ang isang ginang na auditor ng isang homeowners association (HOA), ng hindi kilalang gunman sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District), ang biktimang si Maria Theresa Malaraya Paa, 57, residente sa Livelihood St., Area C, Talanay, Brgy. Batasan Hills, ng nabanggit na lungsod.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Marvin Masankay ng CIDU-QCPD, dakong 7:00 pm nang pasukin ng suspek na armado ng baril ang bahay ng biktima saka pinagbabaril ang ginang.
Ayon kay Leonila Malabanan, kapitbahay ng biktima, nanonood siya ng telebisyon nang makarinig nang sunod-sunod na putok ng baril mula sa bahay ng pamilyang Paa.
Ani Malabanan, agad niyang tinungo ang bahay ng biktima at tumambad sa kanya ang bangkay ni Paa.
Hinala ng pulisya, may kinalaman sa pagiging auditor ng HOA ng biktima ang motibo sa krimen. (ALMAR DANGUILAN)