UMAASA ang Palasyo na hindi maaapektohan ang ikinakasang labor agreement ng Filipinas at Kuwaiti government para sa overseas Filipino workers (OFWs) doon.
Sa harap ito ng paghahain ng diplomatic protest ng Kuwait sa lumabas na video nang isinagawang rescue ng mga kinatawan ng Philippine government sa ilang OFWs, kasama ang mga undocumented kasabay ng pagwawakas ng amnesty program ng Kuwait.
Tiniyak ni Roque, may gagawing hakbang si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa isyu at wala pa rin naman pormal na report na natatanggap ang Malacañang hinggil sa usapin.
“Sana hindi. But by filing a diplomatic protest of course it’s an expression of displeasure and let’s see what steps the DFA will take next,” ani Roque.
Kabilang sa mga kondisyong ipinalagay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa labor agreement sa Kuwait ang pitong oras na tulog, masustansiya at maayos na pagkain at hindi tira, hindi kokompiskahin ang pasaporte, at bakasyon, bago payagan muli ang pagpapadala ng migranteng manggagawa sa naturang bansa.
Samantala, walang katiyakan kung pupunta si Pangulong Duterte sa Kuwait para saksihan ang paglagda sa labor agreement.
(ROSE NOVENARIO)