PINAUUWI ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dating propesor na si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Ma. Sison upang lumahok sa peace talks.
Sa kanyang talumpati sa 24th National Federation of Motorcycle Clubs of the Philippines Annual Convention sa Legazpi City kamakalawa, sinabi ng Pangulo, gusto niyang idaos sa Filipinas ang usapang pangkapayapaan at sagot niya ang lahat ng magiging gastusin ng dating propesor.
Ipinanukala ni Duterte ang “60-day window” para sa mga rebeldeng komunista upang iwanan ang kanilang armas sa kampo ng NPA at kumilos nang “malaya.”
Tiniyak ng Pangulo, walang gagalaw sa mga rebelde sa loob ng “60-day window.”
“Ngayon, bago lang, I created a small window. Sixty days. Proposal ko kay Sison, hindi ako magpunta doon. Ang pinag-awayan natin, ang Filipinas, pumunta ka dito. Ako magbigay ng pa(ma)sahe, I will pay for all your… pagkain,” aniya.
“Ito kayong mga guerilla front, you stay in one place, magkampo na kayo, dalhin ninyo ‘yang baril ‘yan sa loob ng kampo ninyo. You seek to tell us where you are, you can go out of the camp, minus the arms. But I will give you the complete freedom to move. Wala akong molestiyahin. Order the military and the police to be nice to you,” giit ng Pangulo.
Hinimok ng Pangulo ang mga rebelde na samantalahin ang ibinigay niyang pagkakataon upang humarap muli sa mga kinatawan ng pamahalaan sa hapag ng negosasyon.
ni ROSE NOVENARIO