DINAGIT ng subok ng Ateneo Blue Eagles ang all star ngunit bagong buo pa lamang na Gilas Pilipinas 23 for 23 World Cup pool, 75-69 sa opening ng 12th Filoil Flying V Pre-season Premier Cup kamakalawa sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.
Bumandera para sa Blue Eagles ang bahagi rin sana ng Gilas na koponan na si Thirdy Ravena sa kinayod niyang kumpletong numero na 16 puntos, limang rebounds, limang assists at tatlong steals.
Bukod kay Ravena, kasama rin sana sa Gilas ang ibang Blue Eagles na sina Isaac Go at Matt Nieto ngunit ipinakausap ng Ateneo na ituon muna ang atensyon sa unibersidad sa paghahanda nitong depensahan ang titulo sa papalapit na UAAP Season 81.
Inaasahan namang nila babalik sila sa pambansang koponan pagkatapos ng naturang torneo.
Nasa unahan lamang ng apat na puntos sa huling kanto, trinangkuhan ni Ravena ang 13-2 ratsada ng koponan upang makapagtayo ng komportableng 69-56 abante.
Hindi na ito binitiwan ng koponan tungo sa impresibong panalo.
Sumuporta kay Ravena si Adrian Wong sa kanyang 13 puntos habang may 9 at 7 puntos naman sina Nieto at Go, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, nagbuslo ng 17 puntos si Ricci Rivero habang may 13 at 11 puntos din, ayon sa pagkakasunod, sina Kobe Paras at Juan Gomez-De Liano para sa Gilas.
Sunod na sasagupain ng Gilas ang La Salle sa 27 ng Abril sa ganap na 6:30 ng gabi.
Bago iyon, makakaharap naman ng Ateneo ang kampeon naman ng NCAA na San Beda sa 4:30 ng hapon.
ni John Bryan Ulanday