MAAARI nang ilipat sa regular ward mula sa Intensive Care Unit (ICU) anomang oras ang Filipina worker na sapilitang pinainom ng liquid bleach ng amo sa Saudi Arabia.
Sinabi ni Elmer Cato, Acting Assistant Secretary for Public Diplomacy ng Department of Foreign Affairs (DFA), bumubuti na ang kalagayan ni Agnes Mancilla makaraan maratay ng mahigit sa isang linggo sa King Fahad Central Hospital sa Jizan, Timog-Kanluran ng kaharian.
“Any day or any time puwede na po siyang ilipat sa regular ward, si Agnes mula sa ICU, bumubuti na po kasi ang kanyang kalagayan,” ani Cato.
Habang tiniyak ng mga Filipino nurse ng naturang pagamutan kay Consul General Edgar Badajos, Philippine Consulate General sa Jeddah, na kanilang aasikasuhin si Agnes hanggang tuluyan gumaling.
Sa pagsusuri kay Agnes ng mga manggagamot, natuklasan nilang ang mga pasa at sugat sa likod ng biktima ay mga kagat ng kanyang amo at ito ay ginagawa sa kanya tuwing nagagalit kahit walang ginagawang masama o pagkakamali sa kanyang trabaho. Sinabi ni Consul General Badajos, pinaghahandaan na ang paglilipat kay Agnes sa isang ospital sa Jeddah na maaari siyang madaling mabigyan ng suporta ng Konsulado at ng kanyang pamilya kapag dumating sila sa Jeddah.
(JAJA GARCIA)