NANAWAGAN si Pangulong Rodrigo Duterte kay Sister Patricia Fox, 71-anyos Australian nun, na umuwi sa sariling bansa at iprotesta ang mga nagaganap na paglabag sa karapatang pantao roon.
Sa kanyang talumpati sa turn-over ceremony sa Camp Aguinaldo kahapon, inako ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdakip kay Fox noong Lunes.
Ipinagmalaki ng Pangulo, siya lang bilang Punong Ehekutibo ang may karapatan magpasya kung sino ang puwede at hindi ubrang pumasok sa Filipinas at hindi ang Kongreso at Korte Suprema.
Anang Pangulo, iniutos niya ang pag-imbita kay Fox dahil sa “disorderly conduct” ng madre sa bansa.
“Let me just state my case as a worker of government, it was not the military who arrested the nun it was upon my orders implemented by the Bureau of Immigration and I take full responsibility,” anang Pangulo.
“I ordered her investigated… not arrested, for a disorderly conduct. You know, the Philippine laws provide that I can deport you or refuse entry if you are an undesirable alien,” dagdag niya.
Inilitanya ni Duterte ang aniya’y mga ipinatutupad ng estado ng Australia na human rights violations na dapat iprotesta ni Fox sa pagbabalik doon, gaya nang pagtataboy sa Rohingya refugees.
Hinamon din niya ang madre na linisin muna ang bakuran ng Simbahang Katolika bago batikusin ang pamahalaan ng Filipinas.
“You’re god is not my god. My god has common sense,” sabi pa niya.
Matapos ang kanyang talumpati, kapansin-pansin na lumungkot ang mukha ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na isang debotong Katoliko.
(ROSE NOVENARIO)