INAMIN ng Palasyo, nagkamali ang Bureau of Immigration sa pagdakip sa 71-anyos Australian nun na si Sister Patricia Fox.
“Mayroon naman pong batas na ang mga dayuhan ay hindi dapat nanghihimasok sa politika natin… Ang problema lang ay mukhang nagkamali dito kay Sister Fox,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
“Siguro apologies are in order kasi madalian naman siyang pinalabas din ng BID (Bureau of Immigration). Siguro nagkakamali rin naman ang BID,” paliwanag ni Roque.
Noong Lunes ay dinakip si Fox sa kanyang bahay sa Quezon City sa bisa ng mission order na nilagdaan ni Commissioner Jaime Morente dahil sa paglahok umano ng madre sa mga kilos-protesta sa bansa.
Pinalaya si Fox kamakalawa ng hapon matapos ipresenta ng kanyang abogado ang kanyang pasaporte at missionary visa.
Binigyan katuwiran ni Roque ang pagharang sa pagpasok sa bansa ni Giacomo Filibeck, deputy secretary-general ng Party of European Socialists (PES), para dumalo sa Akbayan Party congress.
“Pupunta siya rito to participate sa isang political convention na ipinagbabawal ng batas. Mayroon tayong kapangyarihan na tanggihan ang mga dayuhan na pumasok sa ating teritoryo,” ani Roque.
(ROSE NOVENARIO)